BSP, SEC Hindi Hinihikayat Ang Publiko na Mag-invest sa Crypto

Share some Bitpinas love:

Translated by Arzen Ong from BSP, SEC: Crypto Regulation is Not Endorsement

Nabanggit ni Melchor Plabasan, ang Direktor ng Technology Risk and Innovation Supervision Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na hindi hinihikayat ng kanilang ahensya ang publiko na mag invest sa cryptocurrency. Muli din ipinaalala ng Commissioner ng Securities and Exchange Commision (SEC) na si Kelvin Lee ang pangangailangan ng publiko na personal munang manaliksik bago pasukin ang mundo ng cryptocurrency. Ang mga nabanggit ng mga financial regulator ay kabilang sa panel discussion na naganap sa BSP Cryptocurrency 101 Virtual Conference noong Nobyembre 23.

“Ang pagkakaroon ng regulasyon ay hindi nangangahulugan na ating iniendorso ang cryptocurrency bilang legal tender o ‘storage of value’. Ang nais naming iparating ay, ang ating mga regulasyon ay narito upang protektahan ang ating financial system. Kaya naman meron tayong sinusunod na mga standard patungkol sa AML (Anti-Money Laundering), CFT (Certificate in Finance Technology), at cyber consumer protection. Sinusunod ang lahat ng ito dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng epekto ng crypto sa ating regulated na financial system,” ayon kay Plabasan.

Binangit din niya na ang layunin ng BSP ay protektahan ang ating financial system.

“Masyado pang maaga para sabihin na hinihikayat natin ang mga tao na mag invest sa crypto. Bago pa lamang ang teknolohiyang ito, mayroon itong mga potensyal subalit may kaakibat din itong pangamba,” dagdag pa ni Commissioner Lee.

Pinaalalahanan ni Lee ang mga investor na laging mag-ingat sa kanilang mga crypto-related na investment dahil nagkalat ang iba’t ibang klase ng scam sa ngayon.

“Simula pa noong 2019 at sa mga sumunod na taon, naglabas tayo ng 219 na paalala sa publiko tungkol sa pag-iinvest sa mga ganitong bagay. Sa mga paalalang ito, lumalabas na 50% nito ay mga cryptocurrency-related na mga scams,” dagdag pa niya.

Ginamit din na halimbawa ng Commissioner ang self-proclaimed na “pambansang scammer” na si Xian Gaza at ang kanyang “Xian Coin”, na ayon sa kanya ay pinopondohan ng “XianBank,” na isa daw digital bank sa bansa ayon kay Gaza. Mayroon lamang 6 na rehistradong digital bank sa bansa at ang XianBank ay hindi kabilang dito (Dagdag babasahin: Ang SEC ay naglabas ang paalala laban kay Xian Gaza at sa Xian Coin)

“Pakiusap, bago kayo mag-invest, bago niyo pa simulang aralin ang mga digital asset o cryptocurrency na ito, magtungo muna kayo at suriin ang mga ito sa SEC,” pahayag ni Lee.

Idinagdag din niya na ang pag-check sa SEC database bago mag-invest sa mga crypto-related na investment ay “maaaring hindi conclusive subalit makakapagbigay ito ng tamang ideya.”

Gayunpaman, sinabi din ni Plabasan na inaalalayan pa rin ng BSP ang pagsulong sa makabagong inobasyon habang patuloy na pinoprotektahan ang mga tao mula sa panganib alinsunod na din sa branding ng central bank na “flexible and open yet cautious.”

“Bilang respeto sa regulasyon, hindi naman talaga ang virtual asset o ang cryptocurrency ang nireregulate namin. Bagkus, ang aming nireregulate ay ang mga aktibidad kung saan ginagamit ang mga ito. Kaya naman sa aming nakaraang issuance, binanggit namin na kapag ang isang negosyo ay engaged sa mga pag-eexchange, paglilipat ng crypto, o pagtatago ng mga ito, ay kinakailangan nilang magparehistro sa BSP,” kanyang saad.

Sa usaping ito, kasalukuyan pang pinag-aaralan ng BSP ang Axie Infinity, ang popular na Play-to-earn (P2E) na Non-Fungible Token (NFT) game, at ang posibilidad nitong papel bilang isang Operator of Payment System (OPS). Kapag ito ay nakumpirma, ang laro pati na ang mga developers nito ay kinakailangang magparehistro sa BSP. (Dagdag babasahin: BSP: Ang OPS Status ng Axie Infinity ay kasalukuyang pang pag aralan)

Ang artikulong ito ay nailathala sa BitPinas: BSP, SEC Hindi Hinihikayat Ang Publiko na Mag-invest sa Crypto

Share some Bitpinas love:
Follow on social and subscribe to our newsletter
3 Comments
Oldest
Newest Most Voted
Inline Feedbacks
View all comments

[…] This article is also available in Tagalog: BSP, SEC Hindi Hinihikayat Ang Publiko na Mag-invest sa Crypto […]

[…] Ang artikulong ito ay nailathala sa BitPinas: BSP, SEC Hindi Hinihikayat Ang Publiko na Mag-invest sa Crypto […]

[…] Ang artikulong ito ay nailathala sa BitPinas: BSP, SEC Hindi Hinihikayat Ang Publiko na Mag-invest sa Crypto […]