Advertisement PDAX Banner

BDO Itinangging Binago Nila Ang Kanilang Online Banking Terms Dahil sa ‘Nagoyo’ Scam

Photo for the Article - BDO Itinangging Binago Nila Ang Kanilang Online Banking Terms Dahil sa ‘Nagoyo’ Scam

Translated from: BDO Denies Changing Online Banking Terms Due to ‘Nagoyo’ Scam

Update ng Editor: Ang sagot ng BDO:

“Ang ‘Liability clause’ ay regular na compliance para sa banking industry. Mahabang panahon na itong parte ng mga normal na compliance. Walang idinagdag na ‘clause’ nang dahil sa naganap na insidente. Niluwagan ng BDO ang kanyang mga alituntunin at piniling saluhin ang lahat ng ‘losses’ na hindi kasalanan ng mga kliyente, kahit hindi naman dapat panagutan ng bangko ayon sa batas.” 

Orihinal na artikulo:

Kasunod ng naganap na ‘hacking incident’ sa BDO Unibank Inc., kung saan isang nagngangalang “Mark D. Nagoyo” ay nagnakaw ng pera sa halagang Php 25,000 hanggang Php 50,000 kada account, itinanggi ng BDO na binago nila ang kanilang terms and conditions para sa kanilang online banking sapagkat matagal na raw nilang sinusunod ang mga detalyeng ito.

Advertisement PDAX Banner

Bago pa rito, ibinahagi ni Jeff Ricafrente sa isang tweet, ang isang linya sa ‘terms and conditions’ ng  electronic banking para sa nasabing bangko kung saan nakasaad na ang BDO ay “hindi mananagot sa anumang pagkawala o pinsala” sa paggamit ng kanilang online banking services kung ito man ay ma-‘hack’ o magkaroon ng security breach “kahit may partisipasyon ka man o wala”.

Sinasabi ng updated terms na ito na hindi kinakailangang magbigay ng compensation ang bangko sa mga biktima ng online hacking kahit sila mismo ang may kasalanan at hindi ang mga customer.

Gayunpaman, itinatanggi ng BDO na kanilang binago ang kanilang mga ‘terms’ at sinabi rin nila na “walang nadagdag na clause nang dahil sa nakaraang insidente.”

Sinagot naman ni Art Samaniego, isang beteranong tech writer, si Ricafrente sa kanyang tweet, kung saan sinabi niya na ang clause na ito ay matagal nang naroon simula pa noong 2017.

“Ang ‘Liability clause’ ay isang regular compliance sa banking industry at matagal na itong sinusunod sa mga normal compliance,” ang pahayag ng BDO.

Gayunpaman, sinalungat ni Joey Salceda, ang Chairperson ng House of Ways and Means, ang iba pang polisiya ng BDO kung saan kinakailangan pang pumirma ng waiver ang mga biktima ng “Nagoyo” scam kung saan nakasaad na hindi sila maaaring magsampa ng reklamo laban sa bangko kung nais pa nilang maibalik ang halagang nanakaw sa kanilang mga bank account.

“Hindi ito katanggap-tanggap. Hinihimok ko ang Bangko Sentral ng Pilipinas na silipin ang sitwasyong ito at kumpirmahin kung maaari bang magsampa ng kasong legal o administratibo laban sa mga bangkong pinipilit ang kanilang mga kliyente na pumirma ng ‘quitclaims’ kapalit ng kanilang pera.” pahayag ni Salceda.

Sinabi niya na ang mga ‘quitclaims’ na ito ay naglalayong palayain ang BDO sa mga legal na responsibilidad nila sa mga systemic failure sa mga online banking services nito.

“Kung kasalanan ito ng bangko, at lumitaw na maaaring mayroon talagang naganap na paglabag sa sistema ng kanilang seguridad, hindi dapat maaaring umiwas ang mga bangko sa sarili nilang responsibilidad,” dagdag pa niya.

Mahigpit din hinihimok ni Salceda ang BSP na suriin ang mga taunang IT profile at ang mga periodic reports ng mga bangko upang malaman “kung naipapahayag bang tama ng mga bangko ang kalakasan ng kanilang cybersecurity.” Binigyang-diin din niya na may mga kaparusahan para dito.

Bukod pa rito, bago pa nila in-update ang kanilang mga ‘terms’, binanggit ni BSP Governor Benjamin Diokno na ang BDO Unibank at ang UnionBank ay maaaring maharap sa mga parusa kaugnay ng insidenteng ito ng ‘hacking.’

Gayunpaman, nagpahayag ng kanilang saloobin ang mga miyembro ng Filipino crypto community tungkol sa insidenteng ito ng ‘hacking’ pati na rin ang pagbagsak ng sisi sa UnionBank at sa cryptocurrency. Ayon kay Luis Buenaventura II, ang tagapagtatag ng cryptocurrency exchanger na BloomX at country manager ng gaming firm na Yield Guild Games at isa ring regular na contributor sa BitPinas, hindi dapat sisihin ang crypto o ang UnionBank sa gulong ito. (Dagdag babasahin: Reaksyon ng Crypto Community sa BDO Hacking Incident)

Sa isang pahayag na inilabas noong Disyembre 12, kinumpirma ng BDO ang paggamit ng “sophisticated fraud technique” at kanila ring tiniyak sa kanilang mga account holders na kasalukuyan na silang nagpapatupad ng karagdagang seguridad. Higit pa rito, sinabi rin ng bangko na ibabalik nito ang mga ‘losses’ o nawalang pera ng kanilang mga customer.

Sinabi naman ng BSP na kinumpirma na ng BDO na makatatangap ng nararapat na reimbursement ang mga biktima ng hacking. Sinabi ni Governor Diokno na sisiguraduhin ng BSP na maibabalik sa mga apektadong depositor ang kanilang nawalang pera sa lalong madaling panahon.

Ang artikulo na ito ay nailathala sa BitPinas: BDO Itinangging Binago Nila Ang Kanilang Online Banking Terms Dahil sa ‘Nagoyo’ Scam

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.